Friday, November 2, 2012

Mga 'Espiritista', 'Faith Healers', at mga Albularyo (III)

+

Ang isa ba sa inyo ay may sakit? Ipatawag niya ang mga saserdote [Latin: sacerdotes; Griyego: presbyteros; mga pari] ng iglesia... (Santiago 5.14). May sakit, ibig sabihin:

1) yaong may mga malulubha o mga nakamamatay na sakit upang sila ay pag-ukulan ng panalangin at mapahiran ng banal na langis (Sakramento ng "Extreme Unction", cf., 
pagpapatuloy ng v.14); o,

2) maaari din naman na yaong mga may hindi maipaliwanag na mga nararamdaman matapos ang pagsusuri ng mga mediko o mga manggagamot na dalubhasa sa siyensiyang medikal - kabilang ang mga "psychiatrists" (hindi maaring isantabi ang kanilang paglilingkod, cf., Ecclesiasticus, Sirach sa mga saling di-Katoliko, 38.1); kabilang din dito ang mga biglaan na kaguluhan sa mga relasyong personal. Patungkol sa kapangyarihan ng mga ministro ng Santa Iglesia sa mga bagay na ito, maliwanag ang sinasabi ng Banal na Kasulatan: Binigyan ko kayo ng kapangyarihan na yurakan ang mga ahas at alakdan, at sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway... at pagalingin ang lahat ng uri ng karamdaman, at lahat ng uri ng kahinaan (Lucas 10.19; Mateo 10.1). Samakatwid, hindi mga 'espiritista', hindi mga 'faith healers' at hindi mga albularyo ang may kaloob na kapangyarihang galing sa Panginoon para humarap sa mga bagay na ito.

Huwag kayong palinlang sa tusong diyablo na kayang makapagdulot ng kaginhawahan - panandaliang kagalingan - at nagkakaloob din, sa kanyang panggagaya sa Diyos, ng ganitong mga kakayahan sa mga taong bukas sa kanyang impluwensiya at gumamit pa ng mga imaheng Katoliko (na hindi benditado o nabenditahan man ngunit ayon sa makabagong Ritwal) upang makapanlinlang nang mailayo lalo na ang mga binyagan sa mga Sakramento ng Santa Iglesia. Lahat ng di ayon sa Pananampalataya [na ang saligan ay ang Salita ng Diyos - nasusulat o hindi (saling-aral na pasalita), cf., 2 Tesalonika 2.14] ay kasalanan (Roma 14.23). Kasalanan, ibig sabihin, hindi sa Diyos.



Mga Maligno at 'Ligaw na Kaluluwa' (II)

+

... Ang ating pakikipagbuno ay... laban sa mga prinsipalidad at mga kapangyarihan, laban sa mga pinuno ng mundo ng kadiliman na ito, laban sa mga espiritu ng kasamaan na nasa himpapawid" (Efeso 6.12, Banal na Biblia Vulgata Latina). Sa mundo ng kadiliman ay mayroon ding herarkiya o pamunuan kung saan si Satanas ay ang puno - sapagkat nais nila sa kanilang kapalaluan na maging Diyos (cf., Isaias 14.14) na sa Kanyang pamumuno ay nagtakda ng herarkiya sa Kanyang kaharian sa langit at dito sa lupa. Ang mga "maligno" at iba pang mga di-nakikitang nilalang ng mundo ng kadiliman ay bahagi ng herarkiya na pinamumunuan ni Satanas. Samakatwid, sila ay hindi kathang-isip lamang.

Ang mga 'ligaw na kaluluwa', kadalasan, ay mga masasamang espiritu na nagkukunwaring mga kaluluwa upang malinlang nila ang iba na gumamit ng mga pamamaraan na sa katunayan ay pakikipag-ugnayan sa mga diyablo. Kapag ang tao ay namatay, siya ay agad na inihaharap para sa kahatulan ng Diyos: makasama Niya sa langit, magbayad-sala pa sa Purgatoryo, o magdusa kasama ng mga diyablo sa impiyerno. ... Itinakda sa mga tao ang minsan silang mamatay, at pagkatapos nito ang paghuhukom (Mga Hebreo 9.27).



Araw ng mga 'patay' (I)

+

Ang unang araw ng Nobyembre, sa kalendaryo ng Iglesia Katolika, ay kapistahan o pagbubunyi sa pangwalang-hanggang tagumpay na nakamit na ng mga naunang mga binyagan laban sa mundo, mga pita ng laman, diyablo, at kamatayan sa pamamagitan ng Krus at mga biyaya ng Panginoong Hesukristo na binubuhos Niya sa kanyang "Mistikong Katawan" - ang Kanyang Iglesia - sa kaparaanang Sakramental (mga Sakramento at sakramental na katulad ng dasal, Agua Bendita, Santo Rosaryo, medalyon ni Sn. Benedicto atbp.).

Sumusunod ay ang araw ng panalangin at sakripisyo (lalong magaling ang pagdalo o, kung hindi maaari, kahit man lang ang pakikipag-isang diwa, "spiritual communion" sa Ingles, sa Misa Requiem) para sa lahat ng mga kaluluwa sa Purgatoryo. Ito ang nararapat na araw na ang mga binyagan ay magtungo sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw na, hindi sa unang araw. 

Nagpalikom... ng abuloy... at ipinadala ito sa [Templo sa] Jerusalem upang ihandog para sa mga kasalanan ng mga namatay, magaling at relihiyoso na nagiisip hinggil sa pagkabuhay na uli. (Sapagkat kung hindi siya umasa na sila na namatay ay mangyaring mabuhay na muli, iyon ay tila kalabisan at walang-kabuluhan). At dahil kanyang isinaalang-alang na may nakalaang dakilang biyaya para sa kanila na pumanaw na nang may banal na pagkatakot sa Diyos, ang pananalangin para sa mga yumao samakatwid ay isang banal at kapaki-pakinabang na pagtingin, upang sila ay mapalaya sa mga kasalanan" (2 Macabeo 12.43-46, hango sa Banal na Biblia Vulgata Latina ni Sn. Jeronimo - opisyal na salin ng Santa Iglesia Romana ng Banal na mga Kasulatan). Samakatwid, ang paggunitang Katoliko na ito ay nauukol hindi basta sa mga 'patay' kundi sa mga pumanaw na binyagan na datapwat malinis sa anomang kasalanang mortal ay nangangailangang magbayad-sala pa para sa kanilang mga salang "venial" at mga espiritual at moral na kapintasan ngunit may kasiguruhan na na makikita rin nila ang Diyos at mamahalin Siya ng "harapan" o mukha sa mukha (Ex. 33.11) nang magpasawalang-hanggan.