Friday, November 2, 2012

Araw ng mga 'patay' (I)

+

Ang unang araw ng Nobyembre, sa kalendaryo ng Iglesia Katolika, ay kapistahan o pagbubunyi sa pangwalang-hanggang tagumpay na nakamit na ng mga naunang mga binyagan laban sa mundo, mga pita ng laman, diyablo, at kamatayan sa pamamagitan ng Krus at mga biyaya ng Panginoong Hesukristo na binubuhos Niya sa kanyang "Mistikong Katawan" - ang Kanyang Iglesia - sa kaparaanang Sakramental (mga Sakramento at sakramental na katulad ng dasal, Agua Bendita, Santo Rosaryo, medalyon ni Sn. Benedicto atbp.).

Sumusunod ay ang araw ng panalangin at sakripisyo (lalong magaling ang pagdalo o, kung hindi maaari, kahit man lang ang pakikipag-isang diwa, "spiritual communion" sa Ingles, sa Misa Requiem) para sa lahat ng mga kaluluwa sa Purgatoryo. Ito ang nararapat na araw na ang mga binyagan ay magtungo sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw na, hindi sa unang araw. 

Nagpalikom... ng abuloy... at ipinadala ito sa [Templo sa] Jerusalem upang ihandog para sa mga kasalanan ng mga namatay, magaling at relihiyoso na nagiisip hinggil sa pagkabuhay na uli. (Sapagkat kung hindi siya umasa na sila na namatay ay mangyaring mabuhay na muli, iyon ay tila kalabisan at walang-kabuluhan). At dahil kanyang isinaalang-alang na may nakalaang dakilang biyaya para sa kanila na pumanaw na nang may banal na pagkatakot sa Diyos, ang pananalangin para sa mga yumao samakatwid ay isang banal at kapaki-pakinabang na pagtingin, upang sila ay mapalaya sa mga kasalanan" (2 Macabeo 12.43-46, hango sa Banal na Biblia Vulgata Latina ni Sn. Jeronimo - opisyal na salin ng Santa Iglesia Romana ng Banal na mga Kasulatan). Samakatwid, ang paggunitang Katoliko na ito ay nauukol hindi basta sa mga 'patay' kundi sa mga pumanaw na binyagan na datapwat malinis sa anomang kasalanang mortal ay nangangailangang magbayad-sala pa para sa kanilang mga salang "venial" at mga espiritual at moral na kapintasan ngunit may kasiguruhan na na makikita rin nila ang Diyos at mamahalin Siya ng "harapan" o mukha sa mukha (Ex. 33.11) nang magpasawalang-hanggan.



1 comment:

  1. Ang Diyos ng Katolisismo ay "hindi Diyos ng patay, kundi ng buhay" (Luc. 20.38). "...Ng buhay," sila na "kinakain Ako, ay mamumuhay sa pamamagitan Ko... patay man [sila] ay mabubuhay... magpasawalang-hanggan" (Jn. 6.58; 11.25; 6.59).

    ReplyDelete